Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
katrina paula May 2015
Tinatahi ko ang tubig sa'king kamay
Pinapanuot ang gayelong lamig.
Sa paghampas ng alon;
Habang binabagtas ang di malirip na kalawakan,
Sinisikap kong ilarawan ka.
At sinusubukan kong hanapan ng letra
Ang tubig-alat na nagpapalunod sa'king puso

Napagtanto kong sa pagpalaot
Sa gitna ng kalawakan at kalaliman
Habang ako'y iginigiya ng mga alon
Hahayaan kong dalhin ng hangin ang 'king layag,
Magtitiwala sa tibay ng katig
Mamamangka sa gitna ng kainitan ng araw
Hahalik sa'yong daluyong ng kalayaan
*nagsimula rito ang mga buntung hininga sa'yo m.a.
owt Jun 16
(Himig ng Kalikasan)


Sa mundong puno ng
kulang,
sapat,
at sobra β€”

tayo raw ay mga dahon.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.
N­awawala.

Ngunit sa ating pagkawala,
doon raw tunay
na matatagpuan ang sarili.

Sapagkat sa bawat pagkalagas,
ay simula ng panibagong pag-ugat.

At kung ako nga ay isang dahon,
siguro ako 'yung uri ng dahon na...

hindi basta bumibitaw, kahit taglagas.
Sumasayaw pa rin sa hangin, kahit lumakas.

Sinasalo ang patak ng ulan.
At sa araw β€”
nakikipagtitigan.

Ako’y lilim rin
sa liwanag ng buwan.

Aninong masisilungan
kapag kailangan.

Ngunit marahang kumakawala,
pag ang baha'y rumaragasa β€”

upang magpatangay sa agos,
habang nakalutang sa hangin.

Minsan lunod sa alon,
ngunit 'di salungat
sa lalim.

Ako’y dahon
na may sariling landas β€”
kahit malihis,
o maligaw
sa tatahakin.

Ikaw ba?

Anong klaseng dahon ka
sa panahon mo?

β€˜Yung madaling kumawala?
O 'yung pilit na kumakapit?

β€˜Yung natatangay?
O 'yung naglalakbay?

Basta ako β€”

ako ang kapirasong dahong ligaw.
Karugtong ng bawat hibla ng ugat.
Tinatahi ang tagpi-tagping mga sugat.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.

­At
nagtataka:

Na kung tayo’y mga dahon
sa iisang puno β€”

maaari kayang malaman
kung sino ang ugat,
at ano ang bunga
ng ating pagtubo?

Pero...

kailangan ba talagang
hukayin ang lalim ng ugat?

O mas karapat-dapat
na magpalago na lang sa sanga,
bago pa tuluyang matuyo
ang mga tangkay?

Kasi baka ang tunay na saysay β€”

hindi lang nasusukat
sa bunga,
o pakay β€”

kundi nasa halaga rin
ng ating paglalakbay
at
pagkabuhay.

π’·π“Šπ“π‘œπ“ƒπ‘” 𝓃𝑔 π’Ήπ’Άπ’½π‘œπ“ƒ,
ng damdaming
hindi mapa-amin β€”
sapagkat palaging
hinihipan ng hangin...

At marahil,
ang tugon sa lahat ng tanong β€”

ay hindi sa paghahanap,
kundi
sa pananahimik.

Kasama ng agos.
Ang ihip.
At ang malumanay na huni
ng mga ibon sa paligid.




π’·π“Šπ“π‘œπ“ƒπ‘” 𝓃𝒢 𝒹𝒾𝓃𝒾𝑔 β€”
kailangan lang
pakinggan muli.
#2

— The End —