Adan (Original Filipino Version)
Ang sabi sa Bibliya, ang babae raw
ay kinuha o hinugot sa tadyang ng lalaki,
kaya ba’t ikalawa lang ang babae palagi?
Ngayong ako na ang nagsusulat,
maaari ko nang itanong; “gaano kalaki?”
At hanggang ngayon, babae’y ikalawa pa rin.
Ang sabi naman ng siyensiya, sabay daw
na nilulan ang dalawa nang ang lahat ay sumabog sa kalawakan, mula sa kawalan.
Hanggang ngayon, pinaniniwalaa’y di alam,
maaari ko bang ibaon sa limot ang lahat?
Sinong gumawa satin? Hiwaga o maykapal?
Ang sabi ng mga ninuno mo sa malayo,
hinipan daw tayo ng Diyos mula sa abo.
At kapag namatay na tayo,
babalik tayo sa abo kung saan tayo binuo.
Depende kung sinong tatanungin mo,
iba-iba rin ang mga isasagot sa’yo;
sinong paniniwalaan ko?
Ang sabi naman ng mga ninuno dito sa gilid,
binuo raw kami mula sa putik.
Ang iba’y nagmula sa buwan, o sa tubig.
Sa ibang panig, ibang buka naman ng bibig.
Walang may iisang sagot sa iisang tanong,
saan tayo nagmula? O paano;
pag-ibig ba’y pinaniniwalaan mo?
Ang sabi nila, sabi ni ganito, sabi ni ganyan,
ano bang alam nila? Ako na ang may-akda.
Ang sabi ko, ako ang may-akda!
At ang sabi ko, ikaw ay sa akin nakatakda!
Sino pang tatanungin?
Sa akin ka lang tumingin.
Walang nakakaalam saan tayo nagmula.
ngunit maaari bang ikaw ang hangganan?
Maaari bang isulat ang panibagong kwento
na ikaw ang huling pahina at katapusan?
Maaari bang ako na ang makabagong Eba,
at ikaw ang aking Adan?
From "WALANG PILITAN POETRY CLUB" (No Pressure Poetry Club Buwan ng Wika special 🇵🇭