Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Euphoria May 2016
Pagod na ko sa kakasulat.
Hindi ka naman ata namumulat
Sa sakit at hinagpis na iyong dala.
Na sa puso ko'y nagsisilbing bala.
Mapapatawad pa ba natin ang isa't isa,
Sa mga sala nating nagawa na nagpatung-patong na?
Kailanman hindi ito napunta sa aking hinuha
Na tayo maiiwang may agwat at sirang-sira.
Kaibigan, ako sana'y patawarin
Sa pagpayag sa mga bagay na maaaring sumira satin.
Patawarin mo sana ang pusong nagmamahal
Na sumira sa pagkakaibigan nating kay tagal.
Nalulungkot, nasasaktan ang puso ko sa ideya
Na ang minsan kaibigan ay isang estranghero na.
Patawarin ako sa pagbibigay ng hinagpis
Sa iyong kaluluwang takot at puno ng pagtitiis.
Kaibigan, ito'y hindi pagmamalabis
Ang tanging hiling ko lang ay huwag kang tumangis
Sabihin mo lamang kung ika'y nasasaktan na
Huwag kang mag-alala, handa na kong iwan ka.
Kung ang pagkakaibigang ito ay hindi na masasalba
Sabihin mo lang, wag nang magdalawang isip pa
Dahil sa pagtakbo ng oras, lumalaki lamang ang lamat
Unti-unting nababasag, nasisira ng hindi naman dapat.
Kaibigan, sana'y sabihin mo
Kung gusto mo pa bang ipagpatuloy ito.
Pagkakaibigang puno ng tawanan
Nagapos ng pangakong walang iwanan.
Pagkaibigang pinahahalagahan
Hindi sinasadyang masira at mayurakan
Sa paglipas ng panahon
Nagbago na ang noon at ngayon
Ngunit umaasa pa rin ako
Na hanggang sa dulo'y magkaibigan pa rin tayo
Kaya pa ba natin patawarin ang isa't isa gayong tila lumalayo ka na?
Louis G Sep 2020
Takot ako.
Takot akong muling umibig
Takot sa salitang mahal kita
Takot sa pagasang “tayo”

Dahil nangingibabaw parin
Ang mga damdaming para sa kanya
Tanong sa sariling
“Magmamahal ba ako ng iba?”

Takot makasakit sapagkat alam kong
Ikaw pa rin ang mahal ko
Takot magmahal ng iba
Dahil alam kong ikaw pa rin ang nasa puso

Takot dahil sarili ko’y di ko mapapatawad
Kung makasakit man ako ng iba.
Takot dahil hindi na ako marunong magmahal
Magmahal ng iba

Dahil ibinigay ko sayo ang lahat
Takot na ako tumingin sa iba
Kaya’t sa hangga’t andito ka sa puso ko
Hindi ako maghahanap ng iba

Dahil takot ako makasakit
Takot ako manggamit
Takot ako pumeke ng nararamdaman
Dahil alam kong ikaw parin ang aking,

Minamahal.

Para sa sarili ko,
Patawad,
Dahil nagmahal ako
Ng taong nagmamahal naman ng iba.
A poem using my mother tongue.
kung ito man ay dagundong ng marubdob na panaghoy
tiyak din ay pabulong paghuhumiyaw nang walang saysay
siguro'y pagsusuka ng mga salitang walang kabuluhan;
pagaaksaya ng mga pariralang parang sitsiryang walang sustanya
mainam din namang makapaghayag ng saloobin kahit paminsan-minsan

ako'y halang at hangal
huwad at duwag
isang palalong inutil na manlilinlang
tuod, tulig,
nakukultang utak
at bibig na pugad ng kasinungalingan

kung may sasakit pa na ako'y sunugin,
mainam ding ako'y balatan ng buhay,
hubad na ibilad sa kahihiyan
at panatilihin akong humihinga pa rin.
pakiusap, gawin mo ito ng paulit-ulit hanggang sa ika'y manawa
upang kahit paano'y maramdaman ko ang sakit na idinulot ko sa iyo
at huwag na huwag kang maaawa
dahil ang kapatawaran sa akin ay karanyaang hindi dapat
naisin at panalangin kong pabalang
na buhay ko'y kitilin na lamang,
ngunit sa taong tulad ko, maging parusang kamatayan hindi sapat

alam kong pagbabayaran ko ito ng malaki
dahil hindi kita sinuklian ng mabuti
kaya't marapat lang na ito'y aking pagdusahan
binigo kita, babaeng pinakamamahal ko
at hinding hindi ko mapapatawad ang aking sarili

kung pahinulutan sana ng Maykapal na kahit huling saglit ay maibalik,
batid kong imposible man din,
mahal na mahal na mahal pa rin kita

— The End —