Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
111322

Sa mga lirikong wala pang tono
Ay aking ipamamalas ang Iyong Kagandahan —
Kagandahang ni minsa’y hindi pa nasulyapan
Bagkus kusang hinahanap-hanap.

Ang matatamis **** Salita
Ang aking baon buhat agahan hanggang hapunan.
At mauhaw man ako o magutom sa daan
Ay alam kong Ikaw ang sagot
Sa bawat katanungan at kakulangan.

Ang pagdampi ng bawat lubid sa aking mga daliri
Ay katumbas ng paghehele Mo sa akin sa gabi —
Sa gabing palaging puno ng bituin ang kalangitan
Na pahiwatig ng maigting **** pag-ibig
At walang katapusang pag-iingat
Sa puso kong puno ng galos sa bawat araw.

Ang likidong sining sa aking mga mata’y
Palatandaan na ako’y isang mahinang nilalang
Na nagnanais ng Iyong pagkalinga’t pag-aaruga.

At ako’y uhaw pa rin sa katotohanan
Bagamat ilang beses ko nang nilisan
Ang mga baitang ng edukasyon
Na isang panimula lamang
Sa yugtong ito ng sarili kong kasaysayan.

Takpan ko man ang aking pandinig
Ay hindi ito balakid sa paghirang Mo sa aking ngalan
Na tila ba Iyong hayagang binabanderya
Na ang pagkatao ko’y may halaga
Bagamat ako’y may hindi sapat na pananampalataya.

At sa katunayan pa nga’y
Ikaw ang humihila sa akin pabalik
Sa mga lirikong akala ko noong una’y
Ako ang may akda
Ngunit maging ang hininga ng mga letra’y
Tanging Ngalan mo ang isinisigaw -
Syang salamin sa'king Tula.
elisha Aug 4
Simoy ng hangin aking inaasam,
Malawak na himpapawid aking minimithi,
Ganito ba, ang tunay na kalayaan?
O isa muling panilinglang ng lipunan

O munting ibon ‘di alam na siya’y nasa kulungan
At Di nito aasamin ang tunay na kalayaan
Kung nadito na lahat ng panggagaylagan
At dahil nasilaw na ito sa kayamanan

Mga hangganan nilagay ng nakakataas
Upang munting ibon ay ‘di lumikas
Kung ang lahat ng pangangailangan niya’y nandito
Kung ganon kailan mo imumulat ang mata mo sa mundo?

Ano ang pinagkaiba natin sa batang walang alam?
Walang alam sa buhay at mamangmang
Ano pinagkaiba natin sa ibong nakakulong?
Nakasalalay sa kaniyang amo upang di magutom

At tayo’y  patuloy na kaballot,
Sa mga gapos na hindi natin inakalang saklot,
Masaya na sa kaunting ginhawa’t aliw,
Habang unti-unting nahihila nang masamang na kawil.
Ngunit ang tunay na layang minimithi,
Ay ‘di puro aliw at ngiting kay dali.
Ito’y pakikibaka, sugat, at lumbay,
Ngunit sa dulo’y liwanag ang tunay.
Kaya munting ibon at tayong lahat,
Panahon nang imulat ang matang sa lahat.
Buksan ang mata sa ating lipunan
Ngunit ‘di kailan man mabibili ang tunay na kalayaan.

tao ng lipunan ang may kapangyarihan
bakit ang silbi nito ay na walan?

— The End —