Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Krysel Anson Sep 2018
Dito sa Lungsod ng mga siksikang tren
sa umaga at sa gabi ng paglubog sa mga makinarya,
Ang sentro ng  pabrikang papel at usok, na buong bilis
sa inaliping katapatan at tapang
ay naninirahan palagi sa piling
ng mga madaming mga ipis at daga.

May nalilimutan na mahalaga tungkol
Sa tahimik na hele ng mga flourescent na ilaw, kaalwanan
ng mga matatayog na pangako ng condo't bagong mga kainan, magagarang mga pabuya.
Mga panibagong mga tagisan ng lakas
sa mga makabagong Coliseum ng Roma,
sa bawat amoy ng dugo at bagong silang.

May tipo ng sukal na wala sa mga gubat, at tunog ng mga
malalakas na putok ng baril na wala sa digmaan.
Tila sa kahit anong panahon, mag-alsa man mismo ang Kalikasan
at magpadala ng Tsunami,
magpalindol at magpaputok ng bulkan
sa panahon ng kakaibang asul at pula na buwan
sa pagkakabuwal ng bagong bilang
ng mga magsasakang sa mga mass-suicide
mula India, Korea, at Pilipinas dahil sa di-pantay
na mga batas kalakalan:

Ipadala man ng mga makata't hukbong
gerilya ang kanilang pinakamatikas at
pinakamatatapat na mga bilang sa mga pagsubok
ng panibagong mga pag-aaral at pagsasapraktika,
maaaring Puting Elepante din ang
hindi sasapat ang kabayaran para sa mga utang
na dapat matagal nang nabura at naigpawan.

Mula sa lakas at pwersa hindi lang ng mga diyos
ng mga sari-saring pampulitikang mga pormasyong nagdidirehe
sa mga kilos ng mga taong kapit na sa patalim,
Kung hindi mula din sa lakas ng mga nangahas mabuhay
at lumikha ng mga paraan para makapagpatuloy na
makapagaral ng sariling pagkamulat:

Ang kaaway na papel na salapi o papel na tigre
ay nilikha din ng tao para din lamang
maunawaan ang mga sariling kahinaan,
mamulat sa mga repleksyon ng mga nagbabagong
sarili sa gitna ng unos, upang matiyak ang yapak at
mabuo ang mga hanay at kahandaan ng mga
unang hawan, at huling mga walis.
Ang mga kalabisan ay para lamang mapatingkad
ang kahinaang dala ng kasaysayang nagluwal,
ang kawalan ng pagpapahalaga sa binubuhay na mga palitan.#
English Translation to follow.
Stum Casia Aug 2015
Kalong ng kanyang ina
ang isang labing anim na taong gulang na binatilyo.

Basang-basa.

Nangingitim ang mukha at di na humihinga.

Patay na yata.

Nakuryente siya
habang ini-aakyat ang black and white
na telebisyong kasasangla lang
ng isang magsasakang magpapa-check-up sa PGH-
sa ikalawang palapag ng kanilang 5 square meter na tahanan.

May bagyo noon. Super.

At umapaw ang ilog.

Ang sabi sa radyo nakataas na ang signal no.3 sa buong Central Luzon.

Nag-iisip pa rin siya (ang ina) habang binabagtas
ng sinasakyan nilang rubber boat na kulay dilaw
ang daan papuntang evacuation center.

Hindi na niya nagawang magsuklay at mag-suot ng bra.

Kalong niya ang kanyang binatilyong
pangarap mag-aral sa Maynila-

na kanya ngayong ipinagluluksa.

Sa Maynila,

sa isang pamantasang kulay langit ang pasukan at labasan,

nagdiriwang ang mga paang patungo sa Robinsons.

Alas dose.
Cut ang klase.

#WalangPasok.
Gigising nang maaga para sa palayan magtalok
Kailangan na magtrabaho kahit pa inaantok
Suot ang sombrelong dayami at jacket na manipis
Sa matinding init ng araw kailangan magtiis
Hila ang araro ng masipag na kalabaw
Kahit ang nag aarya pati sa tubig ay uhaw
Ang lupang matigas na kailangang matunaw
Dapat ikaw ay malakas, dapat matindi ang galaw
Tanging lugaw na bigas sa umaga ang almusal
Para maging maputik hindi sapat lang ang dasal
Kinakailangan ng lakas at tubig na galing taas
Susuyurin ng wagas para mas maputik ang antas
Yuyuko pa ng marami tapos bukas sakit ay lalabas
Maghihintay ng ilang buwan para mabuo ang bigas
Ganon kahirap ang dinanas bago bigas ay makain
Pasalamat sa taas dahil tayo'y may pagkain

Talok dito, talok doon
Sila sa palayan ay maghapon naroon
"Bilad sa araw ay katawan" oo tama ka doon
Para may makain ang pamilya at pangbaon
Sa trabaho at eskwela papasok tiyan walang laman
Pagbalik sa hapon isip mo tiyak iyan may laman
Para may anihin at kainin pagsapit ng kinabukasan
Sa pagtatanim ng palay walang punla sinasayang
Bawat punla ng palay sa putik ay binabaon
Bawat paa at mga kamay sa putik ay nakabaon
Bawat pawis ng katawan sa damit ay naroon
Bawat yuko ng katawan masakit iyon sa maghapon
Bawat init ng araw sa likod ay nakakasunog
Bawat patak ng ulan sa likod ay sunod sunod
Pero wala silang pakialam kung balat ay masunog
Basta ang mahalaga may makain bago matulog

Hindi biro ang buhay ng magsasaka,
'Di alam kung mayroon pa bang pag-asa?
Sa mga tinanim na palay sa lupa ng iba
Mula sa inaning palay mas kumikita ay sila
Maswerte na kung may sariling lupang sinasaka
Pero minsan malas pag dumadating mga sakuna
'Di mapakinabangan mga halaman hinintay ng mahabang panahon
Bilang sukli sa kasipagan mga bunga sa putik ay nakabaon
At ang nagpapahirap sa buhay ng magsasaka
Sariling gobyerno na kulang sa suporta
Mas tinatangkilik ang iba kaysa sariling saka
Dahil ba magandang klase ang bigas nila?
Mga dahilan kung bakit ganon, naiintindihan namin iyon
Ngunit walang tulong mula sa agrikultura, 'wag naman ganon
Oo masarap kainin ang bigas kahit walang lasa
Pero maging magsasakang pagod na walang kita, nakakawalang gana

Sana madama niyo ang aming mga hinaing
Sana sa ibang bansa'y ipagmalaki niyo rin
Hindi lang sila magsasaka, sila'y bahagi ng ekonomiya
Kaya suportahan pagdating ng sakuna at problema
Hiram na ani yung iba para kumita ng pera
At sa mata ng gobyerno sila'y itsapwera
'Di sapat ang tula para ikwento ang buhay ng magsasaka
Sa mga taong walang suporta at 'di kayo kinikilala
Hindi ko naranasan ang maging magsasaka
Pero kaya kong gawing kanta mga ginagawa nila
Gamit ang lapis at papel, kayo ang tema at beat
Kaya makabuo ng kantang tagos sa puso at Bakit
hinahangaan at pinagmamalaki kayo sa buong mundo?
Dahil sa sipag at tiyaga, pasensya at ito pa masasabi ko
Sa lahat ng magsasaka kahit mahirap ay kinakaya
Saludo po ako sa inyo para sa akin sikat ka na

— The End —