Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Ezekiel Navea Oct 2019
Matatawag bang kausap?
Taong nasa iyong harap
Kapag isip ay sa ulap
Kahit na ano pang sikap
Bagamat sadyang mahirap
Kung salita'y hinahanap

Bibig man ay bumubuka
Pero agad nawawala
Sa mga tingin ng mata
Na nais lang na makita
Sasabihin na'y nakuha
Dahil sa kariktang dala

Pagka't hindi naman sanay
Sa pagbibigay ng kulay
Ng aking mumunting buhay
Ngunit laging nasisilay
Ang ngiting nananalaytay
Sa maliliit na bagay
Sa mga mata ng makata,
iisang paraluman lamang ang itinatala
Na sa bawat linya, ika niya,
may kariktang natatangi’t mahiwaga
At sa bawat saknong tila nagsusumbong
ang dalisay na hango’t may pasalubong.

Marahil sa mga mata ng isang makata,
duyog ng mga sariling nagkaugnay ang naaaninag
Sa mga tala at sa kaniyang iniirog,
mga katagang hindi pambibilog,
ay payapa sa pag-asang walang pahimakas
at kailanma’y sasamuing wala nang bukas.

Hanggang sa huling hinga ng makata,
iisang paraluman pa rin ang itatala
Ang tanging pamamaraan ng wakas
Ay linyang mag-iiwan ng mga rosas,
tinik sa mahigpit na pagbigkis
ng dalawang labing naghihinagpis.

— The End —