Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karl Allen Nov 2015
(On love by Kahlil Gibran ; A Translation)
Kung magkataon na tawagin ka ng pag-ibig, sumunod ka,
Kahit pa ang daan niya'y mahirap at matarik.
At kung yakapin ka ng kanyang mga pakpak ay magpaubaya ka,
Kahit pa ang mga punyal na nakatago sa kanyang mga balahibo ay kaya kang sugatan.
At kung mangusap siya sa iyo ay maniwala ka,
Kahit pa ang kanyang tinig ay kayang durugin ang iyong mga pangarap
Tulad ng pagsira ng hanging habagat sa mga halamanan.

Sapagkat kung paano ka parangalan ng pagibig ay ganoon ka din niya ipapako sa Krus.
‘Pagkat kahit pa siya'y para sa iyong paglago ay ganun din siya para sa iyong pagka-bulok.
Kahit pa pinayayabong ka nito sa iyong pinaka-mataas at hinahaplos ng liwanag nito ang iyong mga sanga,
Ganoon din niya huhugutin ang iyong mga ugat mula sa pagkakabaon nito sa lupa.

Tulad ng mga butil ng mais ay itinatali ka nito sa kanyang sarili.
Binabayo ka niya upang mahubdan
Ginigiling hanggang sa kuminis.
Minamasa hanggang sa lumambot
At ika'y kanyang isasalang sa kanyang banal na apoy, upang ika'y maging banal na alay na ihahain sa banal na pista ng Panginoon.

Ang lahat ng ito'y gagawin ng pagibig upang malaman mo ang mga lihim ng iyong puso, at sa kaalamang iyon ay maging bahagi ng puso ng buhay.

Ngunit kung sa iyong pagkatakot ay hanapin mo lamang ang kapayapaan at kasiyahan ng pagibig,
Ay mabuti pang ika'y magbihis at lumiban sa kanyang giikan,
Sa isang mundong walang kulay kung saan ikaw ay tatawa, ngunit hindi
lahat ng iyong kasiyahan, at iiyak, ngunit hindi lahat ng iyong luha.
Walang ibinibigay ang pagibig kundi ang kanyang sarili at walang tinatanggap kundi ang galing din sa kanya.
Ang pagibig ay hindi nang-aangkin at nagpapa-angkin ;
Sapagkat ang pagibig ay sasapat lamang sa pagibig.

Kapag ika'y umibig hindi mo dapat sabihing, “Ang Diyos ay nasa aking puso,” kung hindi, “Ako ay nasa puso ng Diyos.”
At 'wag **** isipin na kaya **** diktahan ang pagibig, 'pagkat ang pagibig, kung matantong ika'y karapat-dapat, ay ididikta sa iyo ang iyong landas.

Walang kagustuhan ang pagibig kung hindi tuparin ang kanyang sarili.
Ngunit kung ikaw ay umibig at mangailangan, maging ito ang iyong kailanganin:
Ang matunaw at umagos na parang batis na umaawit sa gabi.
Ang malaman ang sakit ng lubos na pagaaruga.
Ang masugatan sa iyong sariling kaalaman ng pagibig;
At masaktan ng kusang-loob at may ligaya.
Ang gumising sa bukang-liwayway ng may pusong kayang lumipad at magbigay pasasalamat sa isang bagong araw ng pagibig;
Ang magpahinga sa tanghali at magnilay sa sarap ng pagibig;
Ang umuwi sa hapon ng puno ng pasasalamat;
At matulog nang may panalangin para sa minamahal sa iyong puso at awit ng papuri sa iyong mga labi.
011521

Iaalay ko ang aking katha
Sa mga sumusubok sa landas na kayhirap pasukin
At ang sigaw nila'y kalayaan sa pagpili
Kung saan ba ang kani-kanilang tatahakin.

Malayang pagpili --
Pagpili sa hindi lamang gusto,
Ngunit pagpili sa kung ano nga ba
Ang tunay na nararapat.

Kaakibat ng pagpili,
Ay ang pagtimbang sa kung ano bang
Makabuluhan sa panglahat na kapakanan.
Hindi tayo pipili dahil tayo'y makasarili,
Bagkus tayo'y pipili dahil ito'y ating pinag-isipan.

Bakit ba gusto nating tahakin kung nasaan
Naroon na ang lahat?
At ang lipon ng bawat kulay ng bahaghari
Ay sama-samang pumoprotesta
Sa kani-kanilang adhikain.

Minsan, gusto nating matahimik..
Tahimik na lumalaban
Hindi gaya ng mga nasa lansangan
At itinatali ang sarili
Sa kanilang nasanayang batas.

Tayo'y hahalili sa kahapong nagtapos na henerasyon,
O baka nalimot mo na ring
tayo'y demokrasya na ngayon
Ngunit mga alipin ng baluktot na administrasyon noon..

Ano nga ba ang malinis na konsensya
Sa bayan kong dinungisan na ng pawis
Ng iba'ibang ganid na mga bansa?
O minsan nga'y masakit pa pala ang malaman
Na tayo rin mismo ang sumira
At lumaspangan sa bandila nating
Noo'y dugo ang nasa itaas.

Sakim ang ating mga sarili
Pagkat tayo'y nauuhaw pa
Sa pansarili nating kalayaan.
Tayo'y walang ipinag-iba
Sa mga pailalim na bigayan
At pagsalo sa kaso ng iba,
Pagtalikod sa karapatang ipinaglalaban
Ng mga naging bihag sa selda.

Habang ang iba'y naghahalakhakan
At pawang mga hangal
Sa kanilang pagbalot sa sarili
Patungo sa bukas
Na hihimlay sa kani-kanilang mga hukay.

Susuong ka pa ba?
Kaya mo pa bang magbulag-bulagan?
Pero sa buhay na iyong pipiliin,
Piliin mo sana ang daang matuwid.
At paano mo nga malalaman
Ang mas higit sa timbangan
Kung ang iyong pamantayan
Ay sirang orasan at papel na ginintuan..

Nasayo ang hatol
Ang hatol kung saan ka lulusong
Kung saan ka makikiuso..
082121

O giliw at ginintuan kong bayan,
Sa mga galamay ng may burdang hinagpis
Ay ‘di patitinag ang katapatan kong sayo’y itinatangis
Panaghoy ko’y ‘wag sanang lisanin
Ang pangako nating hanggang sa dulo’y mananatili.

Hindi man sa ngayon
Ang paggawad ng medalyang kailanma’y hindi mangangalawang,
Ako’y magtitiis sa muling paglipad
Ng kalapating pilit na itinatali’t ikinakahon
Sa mga islang tanging anino na lamang ang kasarinlan.

Kung mamarapatin lang ng may Likha
Na ako’y tupukin na lamang ng apoy na hindi nakasusunog
At ako’y ayain sa hardin nang walang kamalayan
Kundi pagpuri sa Kanyang kagandahan.
Ngunit kailanma’y hindi ako mangingimasok
Sa kung anumang inilatag sa aking harapan.

Gustong lumuha ng dugo
Ng aking mga matang may iisang tinitingnan.
Sa mga kamay Niya’y
Hahayaan ko na lamang na dumungis ang mga butil
At ang Kanyang pagkalinga’y
Magsilbing panlaman-tiyan.

Kung makararating man sa lahat ng mga pinili
Na ang aking pananatili’y hindi pansarili lamang
Kundi ito’y aking pagpasyang piliin pa rin
Ang tahanan bagamat ito’y pinagtaksilan ng karamihan.

Sa mga pulong walang kapanatagan
At walang kapaliwanagan ang may kapangyarihan,
Ay naniniwala akong hindi paglisan ang solusyon.
At kung takot at pangamba ang kanilang mga naging dahilan,
Ay hindi ko kokonsintihin
Ang puso kong anumang oras
Ay kayang piliin na rin ang paglisan.
Lecius Dec 2020
Ipagpatuloy mo ang pag-kapa sa gitara kahit na iyong mga kamay ay itinatali nilang pilit. Ituloy mo ang pag-sulat, pag-awit ng mga liriko ng kanta kahit maraming mapanghusgang mga mata.

Wag-kang manahimik-- ang kailangan mo ay umimik.  Ipabatid sa kanila na ito ang landas na piniling itahak, at kahit man minsa'y ika'y napapahamak, 'di mo parin isususko iyong pangarap.

Kayat tumugtog ka at iparinig sa kanila ang minamahal mo na obra. Pukawin mo ang bawat natutulog na damdamin, gisingin mo ang kanilang mga puso, ipabatid ang mahika ng sariling musika.

Tandaan mo malaya kang piliin kung sino ka mismo.  
Ikaw ang may hawak ng buhay mo, kaya't h'wag sanang hayaan na sila ang mag-dikta ng pangarap. Oras na para ibuka mga pakpak at lumipad.

Hindi ka isang talunan, bagkus idolo na dapat hangaan, sapagkat kay raming dahilan upang isuko ang laban, subalit hindi mo tinuloy sa halip ika'y nagpatuloy-- pinili mo na ipanalo kaysa ipatalo.

— The End —