Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
w Apr 2019
91
Ang sabi nila na ang pinakamasakit daw na tunog ay ang iyak at hikbi,
Malakas man, mahina o pag-pipigil
Lahat daw ‘yon ay pare-pareho lang
Tama nga siguro sila kasi ang iyak ay nakapag-sasabi ng totoong nararamdaman, ang iyak ay isang kalungkutan
Noong gabing yon, narinig ko ang pinakamasakit na tunog
Sabay tayong lumuha
Sabay nating iniyak ang sakit na para bang masasagot lahat ng tanong sa ating isipan
Mga pagkukulang, mga sana at dapat na pareho nating gustong malaman, gustong ipaglaban
Mga tanong na matagal ng kinukwestyon ang mga bagay na hindi maintindihan
Mga pagkukulang na pinipilit buuin na unti-unting lumalabo
Mga sana at dapat na matagal nang pinipigilan
Ngunit narinig ko ang tunog ng bawat galaw ng iyong mga paa na humahaplos sa sahig
Narinig ko kung paano mo ikinabit muli ang iyong mga paa sa iyong medyas at sapatos,
Kung paano mo ito itinali at binuhol nang napakahigpit
Narinig ang bawat kilos at galaw
Sa huling beses ay narinig ko ang iyong mga daliri
Kung paano dumapo ang iyong palad sa pinto
Hindi iyak at hikbi ang nangibabaw
Kundi ang tunog ng pagsara ng pinto
Juliet Aug 2020
Hindi kailan man umiba ang pintig ng puso,
Pusong ikinabit sa mga emosyon,
Emosyon na hindi malaman kung bakit nagsimula,
Nagsimula at bumuhay sa magugulong pangarap,
Pangarap na magmamahal ngunit hindi kayang isuko,
Isuko ang puso para sa iba.

Iba, iyan sila. At iba ka rin sakanila,
Sakanila na nagsasabing darating din ang araw na magmamahal,
Magmamahal ng buong puso at kaluluwa,
Kaluluwang hindi sigurado kung totoo nga ba,
Totoo nga bang may kahati ka,
May kahati ka, at ako nga ba?

Ngunit lumipas ang panahon,
Panahon na nasayang sa paghahanap sa tutugon,
Tutugon sa kaisipang itinatak nila sa isipan,
Sa isipan kong naguguluhan.

Ngunit aking napagtanto,
Napagtanto na hindi lahat iibig sa alam nilang paraan,
Paraan kung saan ang dalawa o higit pang tao ay pupunan ang kakulangan,
Kakulangan na sabi nila'y mabubuo lamang,
Mabubuo lamang kapag nagtagpo ang mga pusong natutong magmahalan.

Ngunit paano nga ba magmahal?
Magmahal ng isinusuko ang lahat,
Lahat na gagawin ko rin sa aking mga kaibigan,
Mga kaibigang handang pakinggan,
Pakinggan tulad ng pakikinig sa boses mo,
Sa boses mo na tila tumugon sa boses ko,
Sa boses ko na bigla nalang din natigilan.

Ngunit hindi ito para sa'yo,
Sa'yo kung saan may nagpatigil ng tinig ko,
Tinig ko na nagtatanong nanaman,
Nagtatanong nanaman kung bakit tila may mali sa sariling pagkakakilanlan,
Pagkakakilanlan sa puso at sa pagmamahal nitong alam.

Isang araw gumising nalang,
Gumising nalang at napagalaman,
Napagalaman na maraming paraan ng pagmamahal,
Pagmamahal na posible minsan,
Minsan... o siguro nga'y kadalasan,
Kadalasan ay iba ang pagkaunawa,
Pagkaunawa sa pag-ibig na pilit nilang itinatatak sa isipan.
idk migjt have broken some rules but forgive me im just trying new things out
kingjay Dec 2018
Sa siglaw ng pagkapanaw ay lumamlam ang ilaw
Sa dibisyon ng dalawang kaharian ay ang larawan na inalis sa pananaw
na pumitlag-pitlag

Mas malamig pa sa yelo ang istorya kung dadamdamin ang ipinapalitaw
Ang dulo ng kidlat na ipinukol ng langit ay gumawa ng sugat
na dahilan ng antak

Ang mala-tanso niyang buhok paano kakalawangin
Gumaganap ang pag-ibig nang palihim
Darangin sa apoy ng katotohanan sa pagsisinungaling-
nang hindi pagsabi na talagang umiibig

Nahimlay sa kamposanto
Di malikmata ang natatanaw na santilmo na umaalab
Tanglaw sa salamisim na siyang nagrereplek-balik

Ang dyamanteng hikaw ay pawang tala ikinabit sa kanyang tainga
Kariktan ay lalong nadadagdagan
Bumuyo para magnakaw ng halik
owt Jul 22
"Maskarang Walang Mukha"
(Anino ng Gyera)

Namuong peklat ng kasaysayan
Ang bakas ay nanuot sa puso’t isipan.

TATSULOK na kalaban —
Walang korona, ngunit makapangyarihan.
Walang trono, ngunit hari-harian.
Walang kawal ngunit lahat tau-tauhan.


Timbangin ang yaman:
may bakal na paninindigan.
mabigat na hidwaan,
Umiikot na katiwalian.

Tinatali.
Sinisindak.
Hinahati.
Nililinlang.

At ang takot ay anyong nananahan.
habang ang mga sugat ay naghihintay
madampian
Ng panatang nag-aapoy —
ngunit ang dulot lang ay usok at panaghoy.

Habang tayo’y nagsisisihan,
Sila nama’y nagngingisihan.

Ang “walang mukha”
Di mailarawan,
Nagtatago
Sa likod ng
MASKARA
Na ating kinamulatan.

Sinabit na MASKARA —
Karangalan — may dungis at mantsa.
Katotohanan — may luha.
Kalayaan — ngunit paralisa.
Katarungan ba o tanikala —

Para saan ba ang bomba at bala?
Sandata ba o  sumpang ipapamana?

Kamatayang —
Hukay ang iniiwan.
At ang kahirapan ay libingan.

Kapayapaang  —
Umaalingawngaw
Sa umuugong na katahimikan.

At ang lipunan?
na isantabi...
Nalipon ng sakit,
At kasinungalingang
Nakakabingi.

~At kung patuloy natin susuotin...
MUKHAng — tayong lahat rin
ang biktima, at ang tahimik na salarin.


----------------------------------------------


"Bulo­ng ng Dahon"
(Himig ng Kalikasan)


Sa mundong puno ng
kulang,
sapat,
at sobra —

tayo raw ay mga dahon.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.
N­awawala.

Ngunit sa ating pagkawala,
doon raw tunay
na matatagpuan ang sarili.

Sapagkat sa bawat pagkalagas,
ay simula ng panibagong pag-ugat.

At kung ako nga ay isang dahon,
siguro ako 'yung uri ng dahon na...

hindi basta bumibitaw, kahit taglagas.
Sumasayaw pa rin sa hangin, kahit lumakas.

Sinasalo ang patak ng ulan.
At sa araw —
nakikipagtitigan.

Ako’y lilim rin
sa liwanag ng buwan.

Aninong masisilungan
kapag kailangan.

Ngunit marahang kumakawala,
pag ang baha'y rumaragasa —

upang magpatangay sa agos,
habang nakalutang sa hangin.

Minsan lunod sa alon,
ngunit 'di salungat
sa lalim.

Ako’y dahon
na may sariling landas —
kahit malihis,
o maligaw
sa tatahakin.

Ikaw ba?

Anong klaseng dahon ka
sa panahon mo?

‘Yung madaling kumawala?
O 'yung pilit na kumakapit?

‘Yung natatangay?
O 'yung naglalakbay?

Basta ako —

ako ang kapirasong dahong ligaw.
Karugtong ng bawat hibla ng ugat.
Tinatahi ang tagpi-tagping mga balat.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.

­At
nagtataka:

Na kung tayo’y mga dahon
sa iisang puno —

maaari kayang malaman
kung sino ang ugat,
at ano ang bunga
ng ating pagtubo?

Pero...

kailangan ba talagang
hukayin ang lalim ng ugat?

O mas karapat-dapat
na magpalago na lang sa sanga,
bago pa tuluyang matuyo
ang mga tangkay?

Kasi baka ang tunay na saysay —

hindi lang nasusukat
sa bunga,
o pakay —

kundi nasa halaga rin
ng ating paglalakbay
at
pagkabuhay.

...{𝒷𝓊𝓁𝑜𝓃𝑔 𝓃𝑔 𝒹𝒶𝒽𝑜𝓃,
at ng damdaming
hindi mapa-amin —
sapagkat palaging
hinihipan ng hangin...}

At marahil,
ang tugon sa lahat ng tanong —

ay hindi sa paghahanap,
kundi
sa pananahimik.

Kasama ng agos.
Ang ihip.
At ang malumanay na huni
ng mga ibon sa paligid.


Bulong na dinig —
kailangan lang
pakinggan muli.


---------------------------------------


"UGAT"
(katatag­an at katapatan)

Kung ikaw ay dahon
na dinadala ng hangin,
ako marahil —
ang ugat na nanatiling tahimik,
nakabaon sa lupa,
nakikinig sa bawat yapak
ng panahong lumilipas.

Ako ang himig
na hindi umaalingawngaw —
ngunit nananatili
sa kailalim-laliman ng alaala.

Habang ikaw ay sumasayaw
sa sayaw ng taglagas,
ako'y nananatiling
yakap ang lamig ng tag-ulan.

Tahimik kong pinipigilan
ang bawat pagbagsak mo —
nang hindi mo namamalayan.

Hindi ako tanong.
Isa akong sagot
na matagal nang naroon
bago pa maitanong —
kung sino ang nagtanim,
at ano ang bunga.

Sapagkat kung ang dahon ay dumarapo,
at muling nawawala —
ako naman ang di-makita,
pero palaging naroroon:

sa bawat pagsibol,
sa bawat pagkalagas,
at sa pagitan ng mga saglit
na walang makapagsalita.

Hindi ako lilim —
ako ang dilim na may silbi.
at liwanag na hindi makukubli
Hindi ako aninong masisilungan —
ako ang silong
ng mga alaalang hindi pa binibigkas.

At kung ikaw ay nagtataka
kung kailan dapat hukayin ang lalim —
ako ang lalim na iyon.
Hindi para mabungkal,
kundi para maramdamang
may pinanghahawakan ka pa rin.

Kaya bago ka tuluyang tangayin,
alalahanin mo:

ang bawat dahon —
kahit ligaw —
ay minsang nanggaling sa sanga,
na ikinabit ng pag-ibig
ng isang ugat
na tahimik lang,
pero totoo ang kapit.


𝖠𝗄𝗈 𝖺𝗇𝗀 𝖽𝖺𝗁𝗂𝗅𝖺𝗇 𝖻𝖺𝗄𝗂𝗍 𝗆𝖺𝗒 𝖻𝗎𝗅𝗈𝗇𝗀 —
Ako ang pinagmulan ng tinig.
,mm

— The End —