Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Minsan gagamit ng payak na salita
Ngunit ito'y uusigin ng iilan;
Minsa'y sisisid at muling hihinga
Ngunit tatadtarin ng masasakit na salita.

Kung ang pagsusulat ay pagmulat
Ba't hindi na lang maging simple sa pagpili ng bawat salita't parirala?
Ba't hindi diretsahin nang ang punto'y maging kalma?
Kung saan walang tensyon, ayos pa't plantsado.

Minsa'y wala namang nais ipahiwatig
Tanging ang letra'y nilalaro't nagiging bukambibig
Wala nga bang dahilan?
O ayaw mo na lamang lumaban?

Sa mundong ginagalawan
Hindi lahat makaiintindi
Hindi lahat makikiayon
Pagkat hindi iisa ang bida
May iilang ekstra sa eksena
Kaya marapat na handa ka.

Ang pagsulat ay malaya
Kaya naman hindi tugma ang bawat kataga
Ganyan ang nadudulot ng demokrasya
Malaya ka nga, pero hindi na maganda 'pag sobra.

Kung babasahin, minsa'y nakapapanting ng tainga
Ano ba ang ipinaglalaban sa pagtaas ng tono niya?
Ang pagsulat nga'y musika rin
Kung mali ang basa sa tono'y hindi maganda ang himig
Parang kapeng depende sayo ang magiging timpla't panlasa.

Isang simpleng mamamayan sa magulong pamamalakad
Dagdagan pa nang nagsisipagsalipadpad na dungis ng bayan
Hindi ka nag-iisa, ganun din ang pakiramdam ko.

Ngunit ang bawat Pilipino sumasabay sa himig ng Lupang Hinirang
Nasaan nga ba ang sinasabing "alab ng puso?"
Tila ang bahaging ito ng liriko'y walang saysay sa iba
Ang pluma ng ila'y wala palang tinta
Ngunit patuloy pa rin, walang nagagawa
Walang ginagagawa, walang nais na pagbabago.

Ganoon kahalaga ang pagbitaw ng bawat salita
Sa bawat punto, bawat espasyo, tuldok at kama
Mayroong layong nakapag-iisa
Mayroong sentimyentong ipinangangalandakan
Mayroong uusbong na himagsikan --
Mabuti man o masama.

Abstract/ abstrak
Mabuti pang ganyan ang pagsulat
Nang hiwatig ay pansarili lamang
Ngunit ang leksyo'y hindi manganganak
Hindi aabot sa mga apo ng bagong henerasyon.

Bale wala ang salita
Kung ang mga ito'y walang aksyon;
Bale wala ang salita..
Kung ang puso'y wala namang direksyon.

(6/28/14 @xirlleelang)
Tatlong bituing* patungo sa *Norte
Sa Silangan at Kanluran
Ang dugong hindi bughaw
Kalayaa'y sagisag.

Nagdadalamhati ang Perlas
Pagkat ito'y tanyag
Sa sari't saring anumalya
Pawang sa pulitika't
Maging sa simpleng eskinita.

Tuwid na daan ang sabi ng Hari
Itong kaibigan ko nga
Pumaskil pa sa Facebook
"Tuwid na daan patungo sa kamalian."

Maulop ang daan patungo sa katuwiran
May limitasyon sa bawat miyembro ng lipunan
Kasapi rin tayo sa eskandalong may hithit
Uhaw nga sa salapi, sirang plaka naman.

Kinalakhan ko ang dungis ng bayan
Nasanay na lang bagkus tuloy lang ang pangarap
Sabi nila'y tatsulok ang patakaran
Ang mayayama'y tataas
Mahihirap ay *
lulusong sa putikan

Mayroong tama sa bawat nasaksihan
Ngunit hindi ko maitatangging
Ako'y kasapi ng masalimuot na kasaysayan
Ngunit kung tanging mali
Ang pupukaw sa paningin
Aba't wala akong mararating.

Mahirap na nga
Makitid pa ang isip
Mayaman na nga
Hindi pa nasusuka sa kurapsyon.

Batu-bato raw sa langit
Bagkus ang tamaa'y sa lupa rin ang bagsak
Tayo na't sumulong
Pagkat ang giyera'y walang urungan.

Walang nararapat na panigan
Pagkat ang tama'y
Hindi na dapat pinag-iisipan
Kung ang prinsipyo nati'y
Lalang para sa kaluwalhatian
Nasisiguro ko, ito'y may magandang patutunguhan.
Wala akong maisip. Wala lang. Sulong Pilipinas
Hindi kulay ang pawang panig
Walang lulusong sa anumalya
Wala ring nararapat na makiniig.

Sa sirkulasyong may kaltas
Mananatiling may lamat
Bawat pahina'y puti
May punit, may dungis
At pagka gabi'y
Nasa kalye ang dilim.

Ang tinig ay patas
Walang sumasanib
Kung walang manghihikayat
Mananatili ang kamalian
Ng lipunang hindi nilisan ang kwadra
Ang sinulid ay rorolyo
At hindi na muling masisilayan pa.

Kung ang puti at itim ay kulay
Ito'y hindi nararapat na pinagninilay-nilayan
Salungat ang daan
Patungo sa **liwanag at kadiliman

Bagkus ito'y pawang
Lalang para sa iisang sanlibutan.

(7/2/14 @xirlleelang)
Dilaw na trayanggulang babala
Ilang hugis lobo na sayad sa lupa
Parisukat na alaga'y basong nag-iisa
Naghihintay sa ekstrangherong sasaling muli
Nang ang dati'y maitapon
Ang bago'y maidampi na sa uhaw na lalamunan.

Naglaho sila't nagsipangwala
Ang lupa'y hati sa sukat na pantay
Nilamon ang mainit na hangin,
Umihip ang taglamig na hindi nyebe
Bumulong sa akin, ngunit walang pahiwatig.

Tila namamasyal ang telang marumi
Pupuswit ang tubig mula sa bibig
Ipon nya'y kayrami,
Bukas sana'y maubos na ang mga ito
Nang ang dungis ay pahiran din ng malinis na likido.

Parehas ang kulay ng tumawid sa linyang puti
Higit sa isa ang bawas na sinyales
Akala ko'y kilala ko, ngunit naglaho sa usok
Ang apat na bilog na itim,
Gumulong at rumolyo sa aspaltong pulbura.

Itong may pula ang sutla
Itim ang tangan na may kasama pa
Bumungad at inihaing may lista
Ngayon pala'y may salamin sa harap
Malayo ang hugis at ang porma
Hindi ko na binalingan ng pansin
Ngayo'y laos na ang bawat eksena.

(6/3/2014 @xirlleelang)
owt Jul 22
"Maskarang Walang Mukha"
(Anino ng Gyera)

Namuong peklat ng kasaysayan
Ang bakas ay nanuot sa puso’t isipan.

TATSULOK na kalaban —
Walang korona, ngunit makapangyarihan.
Walang trono, ngunit hari-harian.
Walang kawal ngunit lahat tau-tauhan.


Timbangin ang yaman:
may bakal na paninindigan.
mabigat na hidwaan,
Umiikot na katiwalian.

Tinatali.
Sinisindak.
Hinahati.
Nililinlang.

At ang takot ay anyong nananahan.
habang ang mga sugat ay naghihintay
madampian
Ng panatang nag-aapoy —
ngunit ang dulot lang ay usok at panaghoy.

Habang tayo’y nagsisisihan,
Sila nama’y nagngingisihan.

Ang “walang mukha”
Di mailarawan,
Nagtatago
Sa likod ng
MASKARA
Na ating kinamulatan.

Sinabit na MASKARA —
Karangalan — may dungis at mantsa.
Katotohanan — may luha.
Kalayaan — ngunit paralisa.
Katarungan ba o tanikala —

Para saan ba ang bomba at bala?
Sandata ba o  sumpang ipapamana?

Kamatayang —
Hukay ang iniiwan.
At ang kahirapan ay libingan.

Kapayapaang  —
Umaalingawngaw
Sa umuugong na katahimikan.

At ang lipunan?
na isantabi...
Nalipon ng sakit,
At kasinungalingang
Nakakabingi.

~At kung patuloy natin susuotin...
MUKHAng — tayong lahat rin
ang biktima, at ang tahimik na salarin.


----------------------------------------------


"Bulo­ng ng Dahon"
(Himig ng Kalikasan)


Sa mundong puno ng
kulang,
sapat,
at sobra —

tayo raw ay mga dahon.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.
N­awawala.

Ngunit sa ating pagkawala,
doon raw tunay
na matatagpuan ang sarili.

Sapagkat sa bawat pagkalagas,
ay simula ng panibagong pag-ugat.

At kung ako nga ay isang dahon,
siguro ako 'yung uri ng dahon na...

hindi basta bumibitaw, kahit taglagas.
Sumasayaw pa rin sa hangin, kahit lumakas.

Sinasalo ang patak ng ulan.
At sa araw —
nakikipagtitigan.

Ako’y lilim rin
sa liwanag ng buwan.

Aninong masisilungan
kapag kailangan.

Ngunit marahang kumakawala,
pag ang baha'y rumaragasa —

upang magpatangay sa agos,
habang nakalutang sa hangin.

Minsan lunod sa alon,
ngunit 'di salungat
sa lalim.

Ako’y dahon
na may sariling landas —
kahit malihis,
o maligaw
sa tatahakin.

Ikaw ba?

Anong klaseng dahon ka
sa panahon mo?

‘Yung madaling kumawala?
O 'yung pilit na kumakapit?

‘Yung natatangay?
O 'yung naglalakbay?

Basta ako —

ako ang kapirasong dahong ligaw.
Karugtong ng bawat hibla ng ugat.
Tinatahi ang tagpi-tagping mga balat.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.

­At
nagtataka:

Na kung tayo’y mga dahon
sa iisang puno —

maaari kayang malaman
kung sino ang ugat,
at ano ang bunga
ng ating pagtubo?

Pero...

kailangan ba talagang
hukayin ang lalim ng ugat?

O mas karapat-dapat
na magpalago na lang sa sanga,
bago pa tuluyang matuyo
ang mga tangkay?

Kasi baka ang tunay na saysay —

hindi lang nasusukat
sa bunga,
o pakay —

kundi nasa halaga rin
ng ating paglalakbay
at
pagkabuhay.

...{𝒷𝓊𝓁𝑜𝓃𝑔 𝓃𝑔 𝒹𝒶𝒽𝑜𝓃,
at ng damdaming
hindi mapa-amin —
sapagkat palaging
hinihipan ng hangin...}

At marahil,
ang tugon sa lahat ng tanong —

ay hindi sa paghahanap,
kundi
sa pananahimik.

Kasama ng agos.
Ang ihip.
At ang malumanay na huni
ng mga ibon sa paligid.


Bulong na dinig —
kailangan lang
pakinggan muli.


---------------------------------------


"UGAT"
(katatag­an at katapatan)

Kung ikaw ay dahon
na dinadala ng hangin,
ako marahil —
ang ugat na nanatiling tahimik,
nakabaon sa lupa,
nakikinig sa bawat yapak
ng panahong lumilipas.

Ako ang himig
na hindi umaalingawngaw —
ngunit nananatili
sa kailalim-laliman ng alaala.

Habang ikaw ay sumasayaw
sa sayaw ng taglagas,
ako'y nananatiling
yakap ang lamig ng tag-ulan.

Tahimik kong pinipigilan
ang bawat pagbagsak mo —
nang hindi mo namamalayan.

Hindi ako tanong.
Isa akong sagot
na matagal nang naroon
bago pa maitanong —
kung sino ang nagtanim,
at ano ang bunga.

Sapagkat kung ang dahon ay dumarapo,
at muling nawawala —
ako naman ang di-makita,
pero palaging naroroon:

sa bawat pagsibol,
sa bawat pagkalagas,
at sa pagitan ng mga saglit
na walang makapagsalita.

Hindi ako lilim —
ako ang dilim na may silbi.
at liwanag na hindi makukubli
Hindi ako aninong masisilungan —
ako ang silong
ng mga alaalang hindi pa binibigkas.

At kung ikaw ay nagtataka
kung kailan dapat hukayin ang lalim —
ako ang lalim na iyon.
Hindi para mabungkal,
kundi para maramdamang
may pinanghahawakan ka pa rin.

Kaya bago ka tuluyang tangayin,
alalahanin mo:

ang bawat dahon —
kahit ligaw —
ay minsang nanggaling sa sanga,
na ikinabit ng pag-ibig
ng isang ugat
na tahimik lang,
pero totoo ang kapit.


𝖠𝗄𝗈 𝖺𝗇𝗀 𝖽𝖺𝗁𝗂𝗅𝖺𝗇 𝖻𝖺𝗄𝗂𝗍 𝗆𝖺𝗒 𝖻𝗎𝗅𝗈𝗇𝗀 —
Ako ang pinagmulan ng tinig.
,mm

— The End —