Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Vincent Liberato Feb 2019
Nagtawag siya ng isang espiritista
at mananalangin
na magbuburda sa bawat hibla
ng kamalayan na patuloy na binuburda
ng sugat at sakit, habang patuloy na ginigising
ang matagal na pagkakahikbi at pagkakatulog sa mga hungkag
na mangangarap.

Dali't daling sumulat ng dagli,
sa bawat pagtagaktak ng mga luhang
umaagos sa sigaw ng mga birhen at santo
na siyang nananalangin sa ikalilinis
ng tahanan laban sa mga naghuhudas
na diyablo, na itinataya ang gabi
para mag-anyong tao sa kahit sino.

Bago sumapit ang gabi.
Sa takipsilim, limang minuto,
bago paparating ang isang duyog
na magwawakas sa hindi maaaring wakasan,
kagaya ng pagtalikod at pagpikit,
na hindi maaaring maisara ng mga mata.

Magpapakarahas sa pagsigaw
at mananabla ng labing-anim na milyong mananampalataya,
ang isang estadista na kung yumapak ay walang-puknat
na magliliyab ang sahig, kung saan nakalibing
ang hindi mabilang ng mga daliri, pagkaraan ng walang
nagdaan sa pagkalimot sa kanila.

Sa gilid-gilid ng eskinita,
matatagpuan ang mga kawalang-malay
na pugot na ulo na hiniling ng mga mananampalataya,
sa isang dyini at ipinagkaloob sa kanila ito, ipinagkaloob, ngayon ay tumatanggi kung kailan naparirito ang hiling.

Ngayon ay malilinis na ang pinakamaruming
hindi nasasaksihan ng mga mata sa tahanan, pagkatapos
ipanglagas ang kaluluwa.

Sa huli, walang bumabalagkas ng daan, na sumasalamin,
pagkatapos manalamin. Sa kabila ng napakaraming salamin.
Louise Nov 2024
(𝘒𝘧𝘡𝘦𝘳 𝘊𝘩𝘳π˜ͺ𝘴𝘡π˜ͺ𝘒𝘯 π˜™π˜’π˜Ίπ˜―π˜¦π˜³π˜’)

May bakas ng relihiyon sa bawat kalsadang nilakaran mo. Dito sa siyudad kung saan tila naghahari ang diyablo, mga dinaanan mo ang sandigan, mga pinuntahan mo ang paniniwalaan, aawitan, papupurihan.

Dito, naglakad ka nang matapang. O habang lasing o lutang.
Nag-lamyerda kang para bang hindi ka baguhan at dayuhan.
Walang pag-iingat, o walang pag-aatubili. Na parang naglalakad ka rin sa pananampalataya sa ating Diyos.

Tanong at dalangin ko lagi’t lagi: mararating ba natin ang oras? O ang hanggahan? (o kung may hanggahan nga ba ang oras noong magkasama tayo? Hindi ko alam, kung may konsepto ng oras sa langit o sa isla.) Umuwi ka bang naka-diskubre ng buntalang may posibilidad ang
pag-iral? Ngunit hindi mo pa ito pinapangalanan, hindi mo pa inaari.

At hindi natapos ang pagiging sagrado ng mga espasyo noong nakaalis ka na. Sa pagitan ng dagat Pasipiko at Mediteranyo, ang panalangin ko ay makakarating sa’yo, mga dasal ko’y hahalik sa katawan mo, dadapo sa silid **** hindi ko pa nararating, at dito, kasama kita, kahit hindi talaga. At kahit ang langit ko'y hindi mo pinaniniwalaaan, kahit isla ko'y hindi mo pa pinapangalanan, dito, ikaw na ang naghahari.

— The End —