Sa paanong paraan, saang wika? Alam mo ba na ang pangalan mo na ang bagong panata at adhika? Sa paanong pagsaysay kaya? Wari mo ba na ako lang ang makapagbibigay sa'yo ng saya? Sa anong sukat ng pangungusap? Alam mo ba na ikaw ang aking araw sa likod ng madidilim na ulap? Sa anong haba kaya ng talinhaga? Batid mo bang ako lang ang makapagbibilang ng iyong halaga? Paano kita maikukubli sa tula? Paano kung panay lang ang hula? Ako lamang dapat ang tanging makapagsusulat ng iyong alamat. Ako lamang dapat ang hanging dadampi at hahalik sa iyong balat.