Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Sa ugat ng gabi, may pusong biniyak,
Tibok na sinakal ng pulbos na itim.
Laway ay nanuyo, katawa’y binagsak,
Ng demonyong laman ng isang karayom.

Sa sahig ng impyerno, may ngising basag,
Kandila ng buhay. pinatay sa usap.
Kaluluwa’y kinain ng asong mabangis,
Sa bawat hithit, may butil na labis.

May luha sa dila, may dugo sa tawa,
Tiyan ay nilamnan ng alab at sanga.
Di mo na alam kung tao ka pa,
O bangkay na buhay, alipin ng gaba.

Gumulong sa kanal, humalik sa kalye,
Kapit sa langit pero paa sa libing.
Bawat paghinga’y may lasa ng yelo,
Hanggang sa ang puso’y mapugto sa singhot...
Sa silong ng gabi’y may sayaw ng liwanag,
Na tila'y bituing naligaw sa ulap.
Ngiti’y nakapako, ngunit may panglaw,
Sa mata’y may apoy na malamig ang galaw.

Mga salitang tila ginto sa hangin,
Ngunit kapag hawak. abo’t panaginip din.
Lunas na lason ang haplos sa laman,
Tahimik ang sigaw ng kaluluwang wasak.

Lumulutang sa lambong ng usok na itim,
Para bang langit, ngunit walang awitin.
Hinahabol ang oras sa loob ng bote,
Kahit ang mundo'y umiikot sa mote.

Hindi na kilala ang sariling mukha,
Sa salamin ng guniguni’t maling akala.
Bangkay na humihinga, mata'y nakapikit,
Nilunod ng ulap ang liwanag sa isip.
mausok ang paligid😁

— The End —