Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
 Jun 2015
Ayelle Garcia
Bigkis ng nakaraang napagtanto,
Kamalayang pawang kay gaan.
Pero sa malay ba ng musmos na santo
Kung panaginip ba or mapaglaro ang nagdaan.

Hindi ko lubos iisipin kung mag-isa ang hangin
Sa pagtulak ng mga batingaw,
Bagkus umusbong na ang talinghaga't tingin
Sa musmos na pumanaw na sa katotohanang pumukaw.
one of the rare times I write poems in the Filipino language, and it's hard to translate some of the words cause they're deep and the meaning changes. but props to the rare times I write in my native language.
 Jun 2015
dalampasigan08
Ikalawang Kurap

Tinatahak ko ng marahan ang isang makinang na landas sa gitna ng mga taong alam kong nananalig din.
Hinihila ko ng pilit ang dalawang talampakang hindi dumarampi sa sahig na katulad ko’y nakatingala din sa langit.
Ang aking mga palad ay magkaniig at ang mga daliri’y kayakap ang isa’t isa.
Naiibsan ang sakit ng aking mga sugat ng nalalanghap kong halimuyak mula sa mga puting bulaklak sa paligid.
Tila piraso ng langit ang dambanang ito na kung saan sinasabing tutuparin ang lahat ng mga kahilingan mo
at papawiin ang lahat ng sakit at paghihirap na dinaranas ng kahit na sino.
Sa lugar na ito nakalilimutan ko ang lahat ng hapdi at pagod na nararanasan ko araw-araw
para bang unti-unti niyang hinuhugasan ang buo kong katawan
at binibigyan ako ng bagong lakas at pag-asang harapin ang isang bagong bukang liwayway.
Habang nananalangin ay napansin ko ang mga matang natuon sa’kin
nagmamasid - tila kunot noong nagtatanong kung bakit ang basahang tulad ko na tinalikuran ng lipunan at inaring kanlungan ang lansangan ay naririto’t naninikluhod sa harap ng dalanginan.
Alam kong ako’y kanilang napupuna ngunit sila’y bulag.
Niyayanig ng aking mga dasal ang buong simbahan ngunit sila’y bingi.

May kung sinong hindi ko naaninag ang umakay sa’kin patungo’t papalapit sa dambanang ginigiliw.
sa bawat hakbang ay bigla kong naalala ang lahat ng pagdurusa
at nasambit ang "salamat sa lahat ng pag-asa."
Nilingon ko ang larawan ng madlang dukha’t kaawa
ngumiti at binitiwan ang aking huling hininga.
 Jun 2015
Marge Redelicia
balikan natin ang panahon noong tayo'y mga bata pa.
naalala mo pa ba
noong tayo'y nagtagpo sa gitna ng mapunong gubat,
sa may malinaw at malinis na sapa?
ang mga kamay natin ay hasang-hasa sa paglikha,
pagtupi ng mga obra:
mga bangkang gawa sa papel, na
ating pinapanood ang pag-anod sa tubig
na banayad na dumadaloy;
nagpapadala lang sa agos.
at hindi,
hindi ito isang paligsahan o karera.
ang tanging pakay ay
malibang at magsaya.
kung lumubog o masira man ang ating mga bangka,
ayos lang,
gumawa na lang ng iba.

pero ngayon,
tayo ay lumaki at tumanda.
pati lunan natin ay nag-iba.
sa ating pagtingala,
hindi na yung mapunong gubat ang ating nakikita,
kundi ang bughaw na langit
na walang anuman ang makakadaig
sa lawak at laya.
at siyempre,
ang ating malinaw na sapa
ay humantong na sa
karagatan.
di matalos ang hangganan,
di matalos ang lalim.
maraming tinatagong lihim.
nalusaw na sa tubig ang mga bangkang gawa sa papel.
at dito sa dagat,  
nararapat lang na maglayag sa mga galyon kasi
araw-araw may digmaan sa laot.
kalaban natin
ang mabagsik na hangin,
mga higanteng alon,
mga piratang nananamantala,
pati na rin ang uhaw, gutom, at pagod.
pero bago pa man magsimula ang digmaan,
tayo na ang panalo.
walang sinabi ang lupit ng dagat sa bagsik ng ating puso.

sa ating paglingon
mapapagtanto na
hindi masukat ang layo
ng narating na pala
at mararating pa natin.
matagal nang wala ang gubat at sapa,
napalitan na rin ang mga mumunting bangka.
ngunit ako,
ay nandito pa
at patuloy na mananatili
kahit na
magkaiba at magkalayo
ang sinasakyan **** barko sa sinasakyan ko.
'di bale
iisa lang naman ang Kapitan,
iisa lamang ang kayamanan na hinahanap,
iisa lamang ang lupain na tinutungo.

hindi talaga
matiwasay at madali ang paglalayag
dito sa malawak na dagat na ating tinatahak. kaya
kung dumanas man ng sindak at lungkot,
huwag maniwala sa lawak at lalim
na natatanaw sa mga alon; kasi
kahit saan man mapadpad,
kahit saan man ihatid ng tadhaha,
nandito lang ako.
happy happy birthday UP, Rizal, and of course, Sofia!
 Jun 2015
dalampasigan08
Ang aking mundo ay napakasaya,

Ako’y namumuhay ng sama-sama,

Ang galak at luha ay walang pinag-iba,

Ginhawa at dusa’y tila iisa.

Sa aking mundo ay wala nang gutom,

Ang lahat ng sugat agad naghihilom,

Wala nang maaapi pagka’t ako ang hukom,

Hindi rin mamamatay ang matagal nang tikom.

Lagi kang dumaraan na parang hangin,

Ang iyong pagka-inggit ang aking napapansin,

Pagka’t ang aking mundo’y inaasam mo rin,

Ngunit ‘di mo maamin kaya’t hindi mo maangkin.

Kung ang aking mundo ay puno ng ginto,

At sayo’y basura, kasalana’t dugo,

Ngayon mo isipin at nang iyong matanto

Kung sino nga ba sa atin ang mas matino.
 Jun 2015
dalampasigan08
Bawal ang Tinta

yan ang sabi ng bala

Pagka’t kung susulat

ang itim ay pupula

At ang ibang tinta

mahahaluan ng pulbura.

Lason daw ang pera

‘yan ang sabi ni tinta

At ito’y nakatago

sa bulsa ni bala

Ito’y gamit ni bala

upang tabunan si tinta.

Bawal daw ang Tinta

utos ni bala at pera

Inuubos ang tinta

binabaon sa dusa

Kaya’t asul, dilaw, pula

aliping aba.
 Jun 2015
ESP
Hindi ako marunong tumula

Hindi ako marunong tumula
Kahit tinuruan ako ng **** ko sa wika
Ng tamang pagsulat
Ng may tamang sukat
Ng may tamang sukat ng salita
Ng may tamang salita

Hindi ako marunong tumula
Dahil iniwasan kong gumawa ng isa
Dahil ayoko ng konbensyunal
Dahil ayoko ng sukat-sukat
Dahil ayoko ng bilang-bilang
Dahil ayokong nahihirapan
Kung paano ko ipapahayag ang sarili ko

Hindi ako marunong tumula
Dahil alam kong ang mga makata lamang
Ang may kakayanang makapagsulat
Silang mga nakapag-aral ng wika
Silang mga matagal nang nagsusulat
Silang walang sawang nagsusulat ng mga salitang
Kasing bango ng mga bulaklak
Kasing tingkad ng langit
Kasing linaw ng mga tubig sa dagat
Kasing sarap ng paglanghap ng sariwang hangin

Hindi ako marunong tumula
Kahit naririnig ko sa radyo
Ang mga kantang binibigkas
Ng mabibilis na mga bibig
Ng mga magagaling na mang-aawit ng tula

Hindi ko inibig ang tumula
Dahil alam ko sa aking sarili
Na marunong lang akong magsulat ng kung anu-anong kwento sa buhay
Mga kwentong binibigyan ko ng buhay
Na akala ko sa isip ko lang maninirahan

Ngunit dumating ang araw
Natulala sa isang bagong kwaderno
Blangkong kwaderno
Ni hindi ko alam
Kung ano ang isusulat
Walang maisip ni isa
Maliban sa isa
Ikaw
Ikaw lang ang laman ng isip ko

Nakapaglakbay patungo sa unang pahina
Ang salitang aking hinahanap
Hanggang sa nagtawag siya ng mga kasama
Ng ka-tropa
Ng ka-barangay
Sunod-sunod silang nagsisidatingan

Ikaw lang ang laman ng isip ko
Ikaw na lagi kong kasa-kasama
Ikaw na lagi kong gustong kasama
Ikaw lang
Pero sunod-sunod ang salitang naisulat ko
At nagulat ang nanlalabong mata ko
Tula na pala ang naisulat ko

At nagsulat ako
Nang nagsulat tungkol sa mga ngiti mo
Tungkol sa kung paano kita nagustuhan
Tungkol sa kung kelan lahat nagsimula lahat ng nararamdaman ko
Tungkol sa kung paano ko nilalabanan 'to
Tungkol sa pagkagusto na akala ko hindi dapat
Dahil magkaiba tayo ng gusto
Nagsulat ako nang nagsulat
Hanggang naisulat ko na pala
Na mahal kita

Hindi ako marunong tumula
Ayaw kong gumawa noon ng tula
Pero dahil sa'yo
Marunong na akong gumawa ng tula

Gumawa ako ng maraming tula
May maikli
May mahaba
May hindi tapos
May walang kwenta lang
Halos lahat ay patungkol sa iyo
Minsan sa buhay ko
Pero sa'yo lang umiikot ang buhay ko
Totoo

Ang sarap palang gumawa ng tula
Akala ko mahirap
Akala ko laging may batayan
Akala ko laging may sukat
Tulad ng itinuro sa akin ng **** ko sa wika
Pero hindi pala
May iba palang paraan
Basta't may emosyon kang nararamdaman
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Malungkot kasi hindi kita nakasama
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Masaya kahit na tinititigan lang kita nakikita ko na mangiyak-ngiyak ka na sa tawa
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Pagkasawi kasi alam kong walang patutunguhan 'tong lahat

Katulad mo ako
Isinusulat mo kung anong nararamdaman mo
Ang nararamdaman **** hindi katulad ng nararamdaman ko
Ikaw na siyang nagmamahal ng taong
Hindi ka gusto
Katulad mo ako na
Nagsusulat ng laman ng puso mo

Kung pwedeng ako na lang na ang tinutukoy mo

Marunong akong gumawa ng tula
Ikaw ang may dahilan ng lahat
Nasabi ko na sa'yo lahat
Hindi pa pala lahat

Marunong akong gumawa ng tula
Pero hirap na hirap ako ngayon
Dahil wala na akong maramdaman
Wala na ang pinanghuhugutan
Wala na yatang dapat paglaanan
Wala na

Habang isinisulat ko ito
Wala akong emosyon
Walang emosyong nararamdaman
Sa'yo
Tapos na ata ako sa'yo
Wala na rin akong masulat para sa'yo
Pero marunong akong magsulat ng tula
Kaya
Maghahanap na lang ulit ako
Ng taong paglalaan ng mga salitang
Hindi makatotohanan sa pangdinig kapag isinambit
Hindi makatototohan habang binabasa ng mga mata
At hindi makatotohanang isinulat ng isang hamak na katulad ko
Maghahanap ako
Ng isang tulad mo

Mahaba-haba na ang aking naisulat
Napatunayan ko na atang marunong akong magsulat


Pero hindi ako marunong tumula.
 Jun 2015
leeannejjang
MRT
"Isang stored card po."
Sabay abot ng 100piso.
Pinasok sa makina "toot".
Bumaba sa hagdan.
"Hay, nakakpagod."
Nakita ang mahabang pila ng mga taong nagaantay.
Napa-buntong hininga.
5...10...15minuto wala pa din.
Ako'y lumingon sa kanan't kaliwa.
Inobserbahan ang mga taong iritable na sa pagaantay.

Sa kaliwa, nakita ko ang isang lalaki,
Postura, nakasalamin at kagalang galang ang suot.
Mukha nagtatrabaho sa isang malakingkumapanya at may mataas na posisyon.
Abala sa pagtingin sa relos na rolex ang tatak.
Ako'y napatanong sa sarili ko,
"bakit niya mas piniling pumila dito kung saan malulukot ang suot na barong?"

Sa kanan naman ay isang studyanteng binata,
Naka-uniporme, maangas ang dating.
May naksaksak na earphones sa magkabilang tenga at sumasabay ang indak ng mga paa.
Nais ko sana makihati sa musikang kanya naririnig.

Sa likod ko ay isang babae,
Napapamura na sa inis.
Mukhang malalate na sa opisina.
Naka-make up at nakheels.
Gusto ko siya bulangan,
"Ate, kalma lang. Hindi mapapabilis ng pagmumura mo ang pagdating nian."

At sa wakas dumating na,
Ang hinihintay ng lahat.
Inihanda ko na ang sarili,
dahil sigurado ako ay maitutulak, masisiksik,
matatapakan at masisiko sa loob ng train ng MRT.
 Jun 2015
leeannejjang
Parang  alaala na ang sarap balikan,
Lumipas man ang mga sandali sana'y ikaw andyan.
Isang araw ako'y nakakita
Ng bulalakaw sa kalangitan,
Pumikit. Humiling.
Na sana bigyan ako ng pagkakataon ikaw ay makapiling.

Tayo  daw ay nagkakilala sa maling panahon,
Ngunit kailan ba naging mali ang pagibig na totoo?

Sana tayo'y pagbigyan ni inang tadhana,
Tatlo, dalawa o kahit isang araw lang,
Maparamdam ko lang na ikaw...
Oo, ikaw na nga at wala ng iba ang sinisigaw ng puso ko sinta.

Maglalakad ako ng nakuluhod,
Kahit pa saan sulok,
Marinig lang ang dasal ko na maging tayo.
Kahit kidlat man yan o bagyo ay susuungin ko,
Para lang sa iyo.

Kaya sana samahan mo ako,
Hawakan ang mga kama'y ko,
Pangako sa'yo hindi ko bibitawan ito.
Dahil alam ko at ng puso ko,
Na tayo sa habang panahon.

Ngunit tulad ng bulalakaw nung araw na iyon,
Ikaw'y naglaho kasama ng pangako,
Ako'y binitawan sa gitna ng bagyo.
Ngayon isa ka na lang alaala sa buhay ko
na dati ay umiikot sa iyo.
 Jun 2015
iya
Pag-ibig na tila ang tagal dumating
Nasa isip ay mga palabas na nakakakilig
Upang pag hihintay hindi nakakainip
Ngunit ito'y panandaliang saya lamang ang hatid.

Nais ng Panginoon na ipaalala satin
Na ang pag-ibig ay matagal ng dumating
Noong ipinagkaloob ni Hesus ang Kanyang sarili
Upang mga tao ay maligtas sa kasalanan.

Ang pag-ibig ng maykapal
Ay siyang tunay na nakakagalak
Nagbibigay sigla sa pusong naghahanap
Ating pagyamanin relasyon sa unang pag-ibig.
 Jun 2015
Lystra Barraquias
Bawat isa sa aking mga minamahal ay nagsilbing simbolo
Mga mata nilang palaging nakatingin
Sa kaluluwa kong nakaukit sa isang bituwin
Naninirahan sa malayong kalawakan, na hindi-hindi kayang abutin.
Paisa-isa silang lumalapit sa napakainit na mundong aking ginagalawan
Sumasayaw, nang-aakit.
Kumakanta, sumasabit
Sa mga libo-libong batong umiikot sa aking kalawakan.
May isang minahal ko dahil sa dula
May isa namang minahal ko dahil sa libro.
Isa namang minahal ko…dahil ipinakita niya ang totoo.
 Jun 2015
ESP
Umaga
Gigising at babangon
Ni hindi ko man lang
Narinig ang huni ng mga ibon

Umaga
Isusubo ang kakarampot
Na kanin
Na parang di ko nalasahan

Umaga
Na walang kapeng nahigop
Dahil kailangan ko ng
Pumunta roon

Umaga
Na makikita kong
Nakakunot sila
At hindi ko na napapansing
Ako na rin pala

Umaga
Uupo sa silya
Sisimulan ko na
Gusto ko ng matapos na

Tanghali
Parang ayaw ko na
Hindi ko na kaya
Tanghali pa lang pala

Tanghali
Hihigop ng kape
Walang tama
Isa pa

Tanghali
Bakit hindi pa matapos
Ang araw na ito
Wala pa palang kalahati itong
Tinatapos ko

Hapon
Ang saya nila
Anong pinag-uusapan nila?
Pwede bang sumali sa saya?

Hapon
Tangina
Wala na bang katapusan?
Sino ka para sabihan ako
Na tapusin ko na ito?

Gabi
Sa wakas
Malapit na
Kaunting tiis pa

Gabi
Na
Umalis na sila
Ako, nandito pa

Gabi
Ako na lang mag-isa
Pahingi ng tulong
Di ko 'to kaya mag-isa

Gabi
Nagpapasalamat sa langit
Pinatay ang ilaw
Buhay ang diwa
Masaya ang kaluluwa

Gabi
Kay raming tao
Hindi lang pala ako
Marami pala akong kasama
Hindi ako nag-iisa

Gabi
Nang maisip ko
Marami pa pala kaming
Nagpapaalipin
Sa lugar na ito
Sentro kung saan
Ang mga tao
Nagmamadali
Walang pansinan
Walang pakialamanan
Walang buhay
Walang kaluluwa

Gabi
Nang mapagtanto ko
Ayaw ko nito
Kasama nila
Nasaan ang kaligayahan ng puso?
Nasaan ang kalayaan ko?
Nasaan ang kalayaan nila?
May mararating ba?
Sila
Ako
Tayo
Itong tanong na ito
May mararating ba?
Tanong na lang ba talaga?

Gabi
Nang makarating ako
Sa aking lugar pahingahan
Nag-iisip
Natulala...


Umaga.
Bagay na ayokong mangyari sa susunod na mga taon.
Next page