Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
owt 2d
(Anino ng Gyera)

Namuong peklat ng kasaysayan.
Ang bakas ay nanuot sa puso’t isipan.

Tatsulok na kalaban —
walang korona,
ngunit makapangyarihan.
Walang trono,
pero hari-harian.

Timbangin ang yaman:
may bakal na paninindigan.
Mabigat na hidwaan,
umiikot na katiwalian.

Tinatali.
sinisindak
hinahati.
nililinlang.


At ang takot ay anyong nananahan.
ang mga sugat ay naghihintay madampian,
ng panatang nag-aapoy —
pero ang dulot lang ay usok
at panaghoy.

Habang tayo’y nagsisisihan,
sila nama’y nagngingisihan.

Ang walang mukha’y di mailarawan,
At nagtatago
sa likod ng —
MASKARA,
na ating kinamulatan.

sinabit na MASKARA—

Karangalan — may dungis at mantsa.
Katotohanan — may luha.
Kalayaan — ngunit paralisa.
Katarungan, o tanikala —
para saan ang bomba at bala?

Kamatayan — hukay ang iniiwan.
At ang kahirapan ay libingan.

Kapayapaan — umaalingawngaw
sa umuugong na katahimikan.

At ang lipunan?
sa isantabi —

nalipon ng sakit,
at kasinungalingang nakakabingi.


~At kung patuloy natin susuotin...
tayong lahat rin, ang tunay na biktima't salarin.
Hango sa guniguni at pagmamasid.
Walang tiyak na katotohanan.
owt 4d
Minsan, mahirap magbigay ng parte
kapag kulang —
at hindi ka pa buo.

Kapag punong-puno ka naman,
madalas, masarap magbahagi —
pero kapag sumobra na,
nakakaubos din.

may mga sandaling gusto mo'ng magmahal,
pero ang kaya mo lang
ay huminto...
tumitig muna, mula sa malayo —

at manatili sa pagitan
ng paglapit
at paglayo.
“espasyo” —
(ang puwang sa gitna ng sikip)
owt Jun 16
Kung ikaw ay dahon
na dinadala ng hangin,
ako marahil —
ang ugat na nanatiling tahimik,
nakabaon sa lupa,
nakikinig sa bawat yapak
ng panahong lumilipas.

Ako ang himig
na hindi umaalingawngaw —
ngunit nananatili
sa kailalim-laliman ng alaala.

Habang ikaw ay sumasayaw
sa sayaw ng taglagas,
ako'y nananatiling
yakap ang lamig ng tag-ulan.

Tahimik kong pinipigilan
ang bawat pagbagsak mo —
nang hindi mo namamalayan.

Hindi ako tanong.
Isa akong sagot
na matagal nang naroon
bago pa maitanong —
kung sino ang nagtanim,
at ano ang bunga.

Sapagkat kung ang dahon ay dumarapo,
at muling nawawala —
ako naman ang di-makita,
pero palaging naroroon:

sa bawat pagsibol,
sa bawat pagkalagas,
at sa pagitan ng mga saglit
na walang makapagsalita.

Hindi ako lilim —
ako ang dilim na may silbi.
Hindi ako aninong masisilungan —
ako ang silong
ng mga alaalang hindi pa binibigkas.

At kung ikaw ay nagtataka
kung kailan dapat hukayin ang lalim —
ako ang lalim na iyon.
Hindi para mabungkal,
kundi para maramdamang
may pinanghahawakan ka pa rin.

Kaya bago ka tuluyang tangayin,
alalahanin mo:

ang bawat dahon —
kahit ligaw —
ay minsang nanggaling sa sanga,
na ikinabit ng pag-ibig
ng isang ugat
na tahimik lang,
pero totoo ang kapit.
𝖠𝗄𝗈 𝖺𝗇𝗀 𝖽𝖺𝗁𝗂𝗅𝖺𝗇 𝖻𝖺𝗄𝗂𝗍 𝗆𝖺𝗒 𝖻𝗎𝗅𝗈𝗇𝗀 —
𝖠𝗄𝗈 𝖺𝗇𝗀 𝗉𝗂𝗇𝖺𝗇𝗀𝗀𝖺𝗀𝖺𝗅𝗂𝗇𝗀𝖺𝗇 𝗇𝗀 𝗍𝗂𝗇𝗂𝗀.

— The End —